Magandang Bible

Lucas
Chapter 1 of 24
left-arrow Chapter - 1 right-arrow
Verse 1

Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin.

Verse 2

Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga tao na buhat pa sa pasimula ay nakasaksi nito at nangaral ng Magandang Balita.

Verse 3

Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo

Verse 4

upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo.

Verse 5

Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio buhat sa grupo ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elisabet ay mula rin sa angkan ni Aaron.

Verse 6

Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon.

Verse 7

Wala silang anak dahil baog si Elisabet at kapwa sila matanda na.

Verse 8

Isang araw, nanunungkulan ang pangkat ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari.

Verse 9

Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso,

Verse 10

habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin.

Verse 11

Doon ay nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ito sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso.

Verse 12

Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito.

Verse 13

Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata.

Verse 14

Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang

Verse 15

sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo.

Verse 16

Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos.

Verse 17

Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin sa daang matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”

Verse 18

Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.”

Verse 19

Sumagot ang anghel, “Ako'y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito.

Verse 20

Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”

Verse 21

Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo.

Verse 22

Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

Verse 23

Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya.

Verse 24

Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan.

Verse 25

Sinabi ni Elisabet, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”

Verse 26

Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang

Verse 27

isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David.

Verse 28

Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”

Verse 29

Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap.

Verse 30

Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos.

Verse 31

Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus.

Verse 32

Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang

Verse 33

maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan.”

Verse 34

“Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.

Verse 35

Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos.

Verse 36

Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na,

Verse 37

sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”

Verse 38

Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.

Verse 39

(39-40) Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet.

Verse 40

Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo.

Verse 41

Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!

Verse 42

Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?

Verse 43

Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.

Verse 44

Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!”

Verse 45

At sinabi ni Maria, “Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,    

Verse 46

at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,    

Verse 47

sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;    

Verse 48

dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Siya'y banal!    

Verse 49

Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao     at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.

Verse 50

Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,     nilito niya ang mga may palalong isip.

Verse 51

Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,     at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

Verse 52

Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,     at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.

Verse 53

Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,     at naalala ito upang kanyang kahabagan.

Verse 54

Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,     kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”

Verse 55

Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.

Verse 56

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki.

Verse 57

Tuwang-tuwa ang kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak nang mabalitaan nilang siya'y pinagpala ng Panginoon.

Verse 58

Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama,

Verse 59

ngunit sinabi ni Elisabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”

Verse 60

“Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila.

Verse 61

Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.

Verse 62

Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat.

Verse 63

Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos.

Verse 64

Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon.

Verse 65

Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na nasa kanya ang Panginoon.

Verse 66

Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:

Verse 67

“Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!     Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.

Verse 68

Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,     mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.

Verse 69

Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,    

Verse 70

na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,     mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.

Verse 71

Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,     at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.

Verse 72

Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham,    

Verse 73

na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,     upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,

Verse 74

at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.

Verse 75

Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos; sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,

Verse 76

at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,     ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.

Verse 77

Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos. Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.    

Verse 78

Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,     at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”

Verse 79

Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na magpakilala siya sa bansang Israel.

Chapter -
1